Wednesday, May 17, 2006

Noong freshman ako sa college alas-nuebe ang una kong class. May isang umaga na gumising ako ng alas-otso. Ma le-late na ako! Kaya nagmadali akong namalantsa, naligo, nagbihis at kumain.

Alas-otso y media na nang nakalabas ako ng bahay. Sabi ko sa sarili ko "aabot pa ako."

Palabas na ako ng subdivision, nag-mamadaling maglakad. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na "aabot pa ako, aabot pa ako."

Pero hindi pa ako nakakalayo, kinailangan ko uling bumalik sa bahay.

Naka-apak ako ng tae.
Nag-aabang ako ng Bus noon, sa ilalim ng overpass diyan sa may Baclaran. May lumapit sa aking bata, hiningian ako ng piso. Sabi ko sa kanya, "Wala akong piso, ito na lang, may cupcake ako."

Hindi niya tinanggap yung cupcake, nag-mura pa sabay takbo papunta sa iba pang pulubing kasama niya. Yung isa yata, nanay niya.

Naka-upo sila sa side-walk.

Nag-bibingo.
Sumakay ako ng bus sa Las Pinas, papasok sa opisina. May nakatabing akong chick na sexy, malaki ang boobs, morena, at maganda. Maiksi ang palda niya at naka-sleeveless na blouse. Nagme-make-up siya nun. Maya-maya naman ay sinuklay ang mahaba niyang buhok.
Bumaba siya sa Roxas Blvd.
Sa harap ng Japanese Embassy.
Minsan, papasok ako sa opisina. Sumakay ako ng bus diyan sa may Buendia. Pagdating sa kanto ng Filmore, may nakita akong lalake - humihithit ng rugby. Kaya dali-dali akong tumingin sa relo ko.

Alas-dose na.

Kaya pala, tanghalian na.

Friday, May 12, 2006

HUMAN EXCREMENT

Mahirap maging magaling – sigurado may mas gagaling pa sa’yo. Mahirap maging tanga – sigurado may mas tatanga pa sa’yo. ‘Yan ang hirap sa buhay. Hindi ka puwedeng maging kulelat, hindi ka rin puwedeng manguna. Wala tayong magawa kundi gumitna parati. Ang tao, parang butas ng puwet. ‘Pag masyadong maliit disgrasya, ‘pag masyadong malaki disgrasya – minsan tutubuan pa ng tumor… tae talaga.

***
Kung dadampot ako ng tae ngayon. Masasabi niyong baliw ako. Lalo na ’pag kinain ko yun. Pero dahil ang tao ay parang tae (isang letra lang ang pinagkaiba) cannibalism na maituturing kung kakain ako ng tae – isang krimen. Bakit ‘ka mo parang tae ang tao? Isipin mo ito – ang tae minsa’y naging pagkain, nagbigay ng saya at pumawi ng gutom. Pero pagkatapos kainin ano na? Itatapon parang tae. Ganyan ang tao. Pagkatapos mabuhay para sa isang tao, pagkatapos palakihin ang anak, nagiging walang silbi. Mag-aantay na lang ng pagpanaw.

***
Kahit gaano mo pagsikapan ang isang bagay, kahit gaano mo ito kagusto at inaasam bakit kaya madalas hindi pa rin binibigay? Tama bang ipaglaban natin ang gusto natin kahit na itinakda na tayong hindi kailanman makukuha ang gusto?

Thursday, May 11, 2006

Sabi nila, ang tao, basta daw makuha ang gusto, oks na ang buhay, sisimple – mas magiging masaya. Ang totoo, hindi yun totoo. Dahil sa tuwing nakukuha ng tao ang gusto niya, maghahanap pa yan ng kasunod. Eh kailan nga ba tayo nakuntento? Kaya nga walang humpay ang pag-labas ng mga bagong produkto.

May deodorant na pampaputi ng kili-kili, may cream na pantanggal ng wrinkles, may capsule na pampapayat ng katawan, may oil na pampalaki ng suso, may tabletang pampatigas ng bayag, may tsaning pantanggal ng tuchang, may spring na nilalagay sa loob ng ilong - pampatangos daw, may gatas na pampatalino, may sabong nagpapaputi ng balat (in just 4 weeks,) may tabletang pampalabas ng tae, may tabletang pampigil ng tae, may bitaminang kumukumpleto sa ‘yo, may cough syrup na pinapasayaw ka, at may sangkatutak na shampoo na gagawing mas-soft, mas-makintab, parang hinat-oil, parang bagong parlor, parang sine-lophane, pang-model employee, pang-celebrity, may bounce, mas fresh, may body, walang split-ends, hindi dry, walang dandruff, mas-straight, walang tikwas, buhay, at instant ganda ang buhok mo.

Kulang na lang magkaroon ng produktong sadyang ginawa upang makamit ang world-peace.

Pero teka, meron na nun ‘di ba? Ang tawag dun – baril.

Tao talaga… magpakahayop na lang kaya ako?

***
Ang tao lang daw ang tanging hayop na pumapatay sa kapwa niya gawa ng ibang kadahilanan bukod sa pagkain.

***

Lahat kasi ng klase ng emosyon nadarama natin. Ligaya, lungkot, galit, libog at kung anu-ano pa. Lahat ‘yan maaring magdulot ng kamatayan.

May lalake ngang pumatay dahil natae siya e.

Tao talaga… tae .

***





Sunday, April 09, 2006

Here's a short story I wrote eons ago. It got published in the Philippine Star - Youngster. Enjoy!

Balak Niya

Sa tuktok ng isang mataas at magarang gusali sa may Ayala, si Juan ay nag-iisip kung kikitilin n’ya ang kanyang buhay at sa wakas ay maging malaya na sa lahat ng problemang ibinigay daw ng Diyos.

Para sa kanya, ang mabuhay ay hindi na mahalaga, ano nga ba naman daw ang silbi ng isang janitor kundi ang mamulot ng kalat at magpunas ng sahig. Wala na ang siglang dati’y kanyang nadarama sa tuwing uuwi siya ng bahay at makikita ang kanyang asawa. Hindi nakapagtatakang iwanan siya nito at sumama sa iba.

Matapos siyang iwana’y nabalitaan naman niyang ang kanyang ina sa probinsya ay pumanaw na. Mag-isa ito sa bahay at nang namatay ito’y isang linggong naka-upo ang bangkay sa isang tagpi-tagping bangko. Nalaman na lamang ng mga kapitbahay na siya’y patay na nang mangamoy ito ng pagkabaho-baho. Inilibing ang ina ni Juan ng nakabalot sa banig at hindi man lang na-iburol. Inilibing siya na parang aso, isang walang silbing kaluluwa na ang pag-panaw ay hindi mapapansin, hindi malaking kawalan. Ito’y kapalarang malapit nang mangyari kay Juan.

“Nakakatawa ka! Akala ko ba ang galing-galing mo? Pinakamakapangyarihan daw, wala namang magawa, Pweh!” Sigaw ni Juan sa langit. “Kung napakabait mo, ba’t ‘di mo man lang maayos ang buhay ko? Andyan ka ba? Bingi ka yata e, bingi!” Dagdag pa niya.

Tahimik ang gabi, maulap, sobrang dilim, wala nang tao sa kalye, parang sementeryo. Wala ni isang kaluluwa ang makaririnig o makakakita kay Juan sa oras na siya ay tumalon. Malamang ay kinabukasan na makikita ang kanyang ‘di makilalang bangkay

“Magbibigay ka lang ng buhay hindi mo pa magawa ng tama! Kaya heto, ibabalik ko na sa’yo ang walang kwentang regalo mo sa’kin!”

Tatalon na sana siya ng may biglang humawak sa kanyang balikat, malamig at malambot ang mga kamay na kanyang nadama. Paglingon ni Juan ay nakita niya ang isang lalake, maiksi ang buhok at matangkad. Sa dilim ng gabi’y hindi niya maaninag ang mukha nito.

Gininaw bigla si Juan, lalo na nang magsimulang magsalita ang misteryosong mama.

“Kaibigan, sigurado ka ba sa gagawin mo?” Malalim at walang ekspresyon ang boses ng lalake.

“Si…sino ka? Pa…paano ka naka-akyat dito?” Tanong ni Juan na kinikilabutan na hindi niya maintindihan.







Sumagot ang mama na parang hindi narinig ang tanong ni Juan “Alam ko ang nangyari sa’yo, alam ko rin ang balak mong gawin.”

“Alam mo pala ang gusto kong gawin, bakit ka pa nakialam, dapat ay pinabayaan mo na ‘kong tumalon. Hindi mo buhay ‘to”

“Sa tingin mo ba’y buhay mo ‘yang hawak mo? Nagkakamali ka kaibigan kung ang sa tingin mo’y karapatan mong kitilin ang buhay na hiram mo sa Diyos.”

“Hahaha! Hindi pa pala sa’kin ang pesteng buhay na ito! Akala ko’y regalo ito, yun pala pahiram lang. Mamamatay na lang ako ng wala talaga akong pag-aari.” Patawang sabi ni Juan.

Hindi gumagalaw ang lalaking kausap ni Juan, tanging bibig niya ang gumawa ng aksyon nang sumagot ito. Ni hindi nga alam ni Juan kung ito’y humihinga pa.

“Tanging siya lang ang may karapatan dahil siya lang ang naka-aalam kung ano talaga ang kahahantungan mo. Kung tatalon ka diyan ngayon ay hindi mo na ito mararating dahil nagpadala ka na sa kaduwagan mo. Tama ka sa sinabi mong regalo ang buhay, kaya nga dapat ay lalo mo itong pagka-ingatan. Kung tutuusi’y hindi mo hiningi ang mabuhay pero binigay sa’yo ito ng walang kapalit. Kung pag-aari mo man ito o sa Diyos ay hindi na mahalaga. Ang mahalaga ay humihinga ka, malaya kang gawin ang anumang maisipan mo basta’t ito’y mabuti at tama.”

“Kahahantungan ko? Bakit, may balak pa ba siya sa’kin bukod sa pahirapan ako at isampal sa mukha ko ang lahat ng pighati sa mundo? Sabihin mo sa’kin, ano ang plano ng magaling mong Diyos? Sabihin mo!”

“Hindi ko maipapakita sa iyo ang balak niya. Ang kaya ko lang maipakita ay ang puwedeng mangyari kapag ikaw ay mag-desisyong tumalon.” Matapos magsalita ng lalaki’y bigla niyang hinila si Juan at sabay silang tumalon.

Pagbagsak ni Juan ay nagulat siya dahil umaga na. Nasa sidewalk siya ng Ayala avenue at hindi niya makita ang misteryosong lalaki. Marami nang tao kaya’t nagpasiya siyang maglakad-lakad muna at mag-isip.

“Sino kaya ‘yung lalaki kagabi? Ang alam ko tumalon kami pareho pero heto ako ngayon, buhay.” Nagtatakang tanong niya sa sarili.








Habang siya ay naglalakad, napansin niya ang isang batang paslit na babae, madungis at payat. Maya-maya’y tumawid ang bata, marahil sa sobrang gutom ay hindi nito napansin ang parating na bus.

“Bata tabi! May parating na bus! Tabiii!” Sigaw ni Juan na ngayo’y nagtatakbo na. Sinunggaban niya ang bata upang mailigtas ngunit walang nangyari dahil parang hangin siya na tumagos lang. Sa isang iglap ay tinamaan ng malaking bus ang maliit at mahinang katawan ng bata. Nangingisay ito at wari’y akmang tatayo. Nagtangka itong magsalita, ngunit wala na.

“Diyos ko!” Sigaw ni Juan, hindi man lang nagtataka kung bakit hindi niya nahawakn ang bata, ang nasa isip lang niya ay ang batang babaeng ngayo’y bangkay na at duguan. “Bakit mo pinabayaang mangyari ito! Walang kalaban-laban ang batang ito!” Sa sandaling ito’y dumarami na ang mga taong nakiki-usyoso ngunit wala ni isa sa kanila ang nakakakita kay Juan.

“Hindi siya ang may sala kung bakit nangyari ito kaibigan.” Paglingon ni Juan ay nasa tabi na pala niya ang misteryosong lalaki.

“Ikaw ang may kasalanan kung kaya ngayo’y wala na ang batang iyan, pinili mong tumalon, pinili mong tahakin ang landas ng kaduwagan kung kaya wala ka ngayong araw, wala ring nagligtas sa kanya.”

Ngumiti ang lalaki na pawang nangungutya “Ang batang ito’y palaboy sa kalye, pulubi, at kadalasa’y walang kinakain. Pero nakapagtataka na pinahalagahan mo ang buhay niya kahit na ito’y parang patapon na. Sana’y ganoon din ang pananaw mo sa sarili mong buhay, pahalagahan mo ito.”

Pagkatapos niyang sabihin ito’y tumalikod ang lalaki at naglakad palayo. Iniwan niya si Juan na nag-iisa sa gitna ng kalye, umiiyak at nagsisisi. Nakabaluktot ang katawan na wari’y isang “fetus”.

Unti-unting nagdilim ang paligid, lumitaw na muli ang mga bituin sa langit. Nang napagod si Juan sa kakaiyak ay natagpuan niya ang sarili niya sa tuktok ng gusaling kanyang tinalon. Tahimik pa rin at parang walang nangyari.

“Huh? Buhay ako? Paanong…?” Natigilan siya na wari’y nasagot na niya ang sariling tanong.
Umuwi si Juan dala ang bagong pag-asa para sa kanyang buhay.

Wala sino man ang nakakalam kung bakit tayo nabubuhay. Wala sino man ang makakapagsabi kung bakit minsan parang nananaig ang masama. Wala tayong magagawa dun. Ang kaya lang nating gawin ay patuloy na mabuhay sa ganoong paraan ay malalaman natin ang balak niya.